Bayaning Paslit
Illustration by Zachary Borromeo
Sa panahon ngayon, iilan na lamang ang mga taong matutukoy nating nagpapakabayani sa kapwa niya sapagkat may ibang sadyang nagbabayani-bayanihan lamang. Masasabi nating bilang na ang mga taong may ginintuang puso at lakas ng loob na handang umalay sa sarili para sa iba kahit ang kanilang buhay man ay nakataya.
Higit pa rito, karamihan nga sa kanila ay hindi pa natin masyadong kilala at hindi na rin napagtuunan ng pansin ng pamahalaan upang mas kilalanin pa ito ng publiko. Kaya ngayon, may makikila tayong isang munting bayani sa katauhan ni Sajid Bulig o si “Tansi”.
Si Sajid ay isang mag-aaral sa grade 6 sa Bambang Elementary School sa Bocaue, Bulacan. Noong musmos pa lamang, sa edad na trese, siya ay nagpamalas na ng katapangan, katatagan ng loob at kabayanihan upang tumulong sa mga nangangailan na siya ring kumitil sa kanyang buhay.
Nagsimula ang lahat sa taong 1993 sa taunang Pagoda sa Wawa o mas kilala rin bilang Kapistahan ng Pagoda sa Bocaue ay idinaraos. Ang pista ay ipinagdiriwang taon-taon upang gunitain ang pagkatuklas ng mahimalang krus na nakalutang sa Ilog ng Bocaue, dalawang daang taon na ang nakalipas. Kagaya ng ibang mga pista, bago ang araw ng bisperas, ay may isinagawang siyam na araw na nobena na dinaluhan ng mga deboto. Sa araw ng Pagoda sa Wawa, isang replika ng krus na pinagpakuan ni Hesukristo ang iprinusisyon habang nakasakay ito sa isang pagodang pinalamutian ng mga maririkit at magagarbong dekorasyon na ginabayan ng mga makukulay na bangka. Sakay sa pagoda ang mga deboto sa banal na krus.
Isang maligayang selebrasyon na maituturing kung baga ang kapistahang ito. Ngunit sa araw ng Hulyo 2, 1993., ang dapat sanang masayang kapistahan ay nauwi sa malagim na trahedya. Ang kantahan, sayawan at kainan ay unti-unting nagunaw sa kamalayan ng mga taong naroon. Hindi inakala ng marami na biglang tataob ang pagoda nang makarating ito sa may malalim na bahagi ng ilog. Lulan ng lumulubog na pagoda ay ang mga hindi na magkamayaw na mga deboto. Ang hindi pantay na bigat sa magkabilang bahagi nito, kasabay ang pagdagsa ng mga tao, ang nakitang dahilan sa kalunos-lunos na sinapit ng malaking pagoda.
Ang mga bata at matatanda ay walang tigil sa pag-iyak at paghingi ng saklolo habang karamihan sa mga tao ay nalulunod sa kalaliman ng ilog. Hirap ang iba na mailigtas dahilt hindi pa masyadong nailawan ang lugar noon. Nagsigawan at nagsitalunan na sa tubig ang ibang mga tao upang mailigtas ang kani-kanilang sarili.
Ngunit may isang bata na hindi nagdalawang isip na tulungan ang kanyang kapwa bata sa pagkakalunod. Hindi ininda ni Sajid ang panganib na pwedeng mangyari sa kanya. Ang tanging nasa isipan niya ay ang kapakanan ng mga batang hindi marunong lumangoy. Kahit madilim man ay lumusong siya sa ilog. Pabalik-balik niyang nilangoy ang katubigan. Sa tangkang pagsagip niya sa isa pang nag-aagaw buhay, ay tinamaan siya ng isang malapad na kahoy na bahagyang bumasag sa kanyang bungo nanaging sanhi ng kamatayan ni Sajid. Kasama siya sa 279 na nasawi sa trahedya. Pansamantalang itinigil ang pagdaos ng kapistahan mula 1994 hanggang 1999 bunga ng Pagoda Tragedy at muli itong ginunita noong 2000. Mula noong ibinalik ang kapistahan ay pinag-igihan lalo ng mga organizers ng taga-Bocaue ang paghihigpit sa seguridad upang hindi na maulit muli ang malagim na bangungot na nagdulot ng takot at pighati sa mga mamamayan. Magpasahanggang ngayon, kapag sumapit na ang pista ng Krus sa Wawa ay ‘di pa rin nawawala sa kanila ang alalahanin ang nagawang kabayanihan ni Sajid, ang batang bayani.
Sa katunayan, noong siya pa ay nabubuhay likas na sa kanya ang pagiging aktibo sa pagtulong sa kapwa – pagiging bayani sa kanyang munting kaparaanan. Siya ay naging miyembro ng Boy Scout ng Bambang Elementary School at nabigyan ng isang parangal bilang Outstanding Boy Scout. Ayon sa mga kaibigan ni Sajid, bukod sa paging isang tapat at masigasig na batang iskawt, siya ay isang mapagbigay, matulungin at napakabuting bata.
Sa kanyang kabayanihang nagawa sa mga kagaya niyang paslit, siya ay nakatanggap ng mga parangal sa iba’t ibang sektor ng bansa. Ginawaran siya ng Ateneo de Manila University ng Gold Medal of Honor from the Boy Scouts of the Philippines at Service Award. Hindi rin pinalagpas ng pagkakataon na parangalan siya ng Sajid Bulig Presidential Award for Heroism sa Executive Order No. 393 ng dating Pangulong Fidel V. Ramos sa kanyang kapuri-puringtapangat serbisyopara sasangkatauhan. Noong July 2002, nagtayo ng isang monumento para sa kanya sa Barangay Bambang, kung saan may kalong na bata siya sa kanyang mga kamay. Isang palantadaang naging posible dahil sa pagsusumakit ng Kapatiran ng Birheng Presentacion ng Malolos.
Noong Pebrero 2007, ang librong, “Ang Lahing Pilipino sa Nagbabagong Panahon”, na isinulat nina Ela Rose Sablaon at Lazelle Rose Pelingo ay nailimbag. Sa libro napasama sa nilalaman ang maikling estorya ng kabayanihan ni Sajid Bulig sa unang kabanata ng libro (“Mga Huwarang Filipino”) sa paksang “Mga Makabagong Bayani”.
Kahit papa’no ay hindi nalimitahan ang kanyang pagkakakilanlan. Ito pa ay mas lumaganap sa kaisipan ng mga batang pinoy dahil ngayon ang libro ay patuloy pa ring tumatangkilik sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan ng bansa.
Ang pagiging bayani ay hindi imposible. Ang isang bata nga ay nagawang magbuwis ng sariling buhay para sa iba, paano pa kaya tayo? Para sa kapwa, ikaw ba’y naging bayani rin o nagbabayani-bayanihan lamang?
Hello! Nakatira po ba ngayon sa bocaue ang nagsulat nito?